-- Advertisements --

Naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang Koreano sa lungsod ng Pasay na ilang taon na umanong nagtatago sa bansa.

Matagumpay umanong naaresto ang naturang dayuhan dahil sa tulong ng pinagsanib na pwersa ng NBI, Bureau of Immigration Fugitive Search Unit, Philippine Air Force Military Intelligence at pati Korean National Police Authority.

Sa isinapublikong pahayag naman ng National Bureau of Investigation, walong taon na raw nasa Pilipinas ang Koreano para dito magtago dahil may kaso itong ‘kidnapping’ sa bansang Korea.

Ayon pa sa kawanihan, ang pakikipag-ugnayan ng Senior Consul ng Embassy of the Republic of Korea sa tanggapan ng Bureau of Immigratio ay siya ring naging daan sa pagkakaaresto.

Dagdag pa rito’y may ‘red notice’ na inisyu ang International Criminal Police Organization kasunod ng warrent of arrest mula sa Daegu District Court.

Sinampahan kasi ang dayuhang kinilalang si Jang Seong Woong ng Serious Physical Injury at Kidnapping na paglabag naman sa Criminal Act ng bansang Korea.

Ang Bureau of Immigration naman sa kanilang ulat y kinumpirmang noon pang 2017 dumating dito sa Pilipinas ang puganteng Koreano.

Kung saan nagpakilala ito bilang turista kaya’t ginawaran ng 30 araw lamang na pananatili sa bansa.

Kalauna’y nag-apply ito ng extension hanggang sa tumagal ng 2020, ngunit tumigil ang kanyang pag-uulat sa Bureau of Immigration kaya’t simula nito ay itinuring na siyang ‘overstaying’.

Bukod sa mga kaso nitong kinakaharap sa Korea, napag-alaman ding sangkot siya sa mga aktibidad na may kinalaman sa scamming habang nanatili sa bansa.

Ang isinagawa namang pagkakaaresto sa naturang dayuhan ay agad na ikinatuwa ni NBI Chief Jaime Santiago at ipinagpasalamat ang nagging kolaborasyon ng iba’t ibang ahensiya na tumulong sa operasyon.