Magagamit na ng mga atletang Pinoy ang automated allowance disbursement system na binuksan ng Philippine Sports Commission (PSC).
Ang naturang sistema ay maaaring magamit ng lahat ng national athletes at coaches sa bansa, para sa cashless at mas mabilis na pagbibigay ng kani-kanilang allowance atbpang karagdagang cash benefits.
Ito ay kasunod ng pakikipag-partner ng PSC sa isang digital bank na siyang magiging instrumento para sa cashless transaction.
Tinitiyak din sa naturang sistema ang bukas at ligtas na transaction para sa mga National Sports Associations (NSAs), daan para sa mas episyenteng pamamahala at accountability sa mga namamahala.
Sa ganitong paraan, naniniwala ang PSC na mas makakapag-pokus ang mga atleta at mga coach sa kanilang training at sasalihang kumpetisyon sa hinaharap.
Ang bagong sistema ay kasunod na rin ng P5,000 across-the-board increase sa buwanang sahod ng mga atleta at coach na epektibo na ngayong buwan.
Ayon kay PSC Chairman John Patrick “Pato” Gregorio, ang mga bagong programang ito ay bahagi ng pagnanais ng gobiyerno na mapagbuti ang sitwasyon ng bawat atletang Pinoy na kumakatawan sa Pilipinas sa iba’t-ibang sporting event.