Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) na tuloy-tuloy at mas mabilis na ang pagpapauwi sa mga stranded na overseas Filipino workers (OFWs) dito sa Manila na uuwi pa sa iba’t ibang dako ng bansa.
Ang mga OFWs ay pauuwiin sa pamamagitan pa rin ng “Balik Probinsiya” program ng pamahalaan na dumadaan sa Paranaque Integrated Terminal Exchage (PITX).
Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello, sa loob lamang ng tatlong araw kapag isinailalim ang mga OFWs sa swab test ay lalabas na ang resulta sa loob lamang ng tatlong araw.
Kung maalala, samu’t saring reklamo ang natanggap ng pamahalaan matapos maipit ang ilang OFWs sa mga quarantine facilities sa Metro Manila ng ilang buwan.
Napabilis lamang ang pagpapauwi sa mga naipit na Pinoy workers nang si Pangulong Rodrigo Duterte na mismo ang nagbigay ng direktibang kailangang makauwi sa kanilang mg probinsiya ang mga OFWs sa lalong madaling panahon.
Kanina ay pinangunahan ni Bello ang send off ng daan-daang stranded na OFWs na nakatakda nang umuwi sa kani-kanilang mga probinsiya matapos mag-negatibo sa covid swab test.
Sa ngayon, umabot na sa 17,698 ang bilang ng mga napauwing OFWs sa kanilang mga probinsiya para makapiling na ang kanilang mga pamilya.
Karamihan sa mga napauwi ay mula sa Region 1, 2, 3, 4, 5, Cordillera Administrative Region (CAR) at National Capital Region (NCR).