-- Advertisements --

Inihain na ni ML Party-list Rep. Leila de Lima sa Kamara ang panukalang batas para pabilisin ang pagtatayo ng mga silid-aralan sa pamamagitan ng tulong mula sa mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor.

Sa ilalim ng House Bill No. 5751 o “Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act,” layong nitong solusyunan ang matagal nang problema ng kakulangan sa mga silid-aralan sa buong bansa.

Ayon kay De Lima, kailangang gamitin ang “whole-of-nation approach” para malutas ang krisis sa edukasyon na sanhi ng kakulangan sa mga paaralan.

Sa ilalim ng panukala, ang Department of Education (DepEd) at Department of Public Works and Highways (DPWH) ay magbibigay ng tulong at pagsasanay sa mga local government units (LGUs) at pribadong sektor para makilahok sa pagtatayo ng mga silid-aralan.

Ayon sa datos, mayroon pang mahigit 165,000 silid-aralan na kailangang itayo sa bansa at aabot pa ng 55 taon bago ito matapos kung mananatili ang kasalukuyang bilis ng paggawa.

Binigyang-diin ni De Lima na kailangan ang mabilis na aksyon mula sa pamahalaan para masiguro ang de-kalidad na edukasyon para sa lahat ng kabataan.

Sumusuporta rin siya sa panawagan ni Sen. Bam Aquino na sertipikahan bilang urgent ang panukalang batas.