-- Advertisements --

Inalis na ng Commission on Elections (COMELEC) 1st Division ang suspensyon ng proklamasyon ng abogadong si Jeryll Harold Respicio na nanalong bise-alkalde sa bayan ng Reina Mercedes, Isabela sa katatapos lang na 2025 National and Local Elections.

Ayon sa naging desisyon, inatasan ng poll body ang muling pagcoconvene ng Municipal Board of Canvassers sa loob ng limang araw upang opisyal na iproklama si Respicio.

Sinabi ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia, ang desisyon ng COMELEC 1st Division ay ginawa kahit walang motion for reconsideration na inihain si Respicio. Nilinaw rin niya na walang kinalaman ang hakbang na paghain ng petisyon ni Respicio sa Korte Suprema.

Dagdag pa ni Garcia, wala pa silang natatanggap na temporary restraining order (TRO) kaugnay ng desisyon ng en banc. Pagtitiyak niya na pinapairal nila ang due process at patas na pagtingin sa ganitong mga usapin.

Matatandaan na sinuspinde pansamantala ng COMELEC En Banc ang proklamasyon ng mahigit 20 na kandidato para sa 2025 Midterm Elections, kabilang rito si Respicio, habang nakabinbin pa ang pagresolba sa mga kasong isinampa laban sa kanila

Noong Pebrero, naghain ang COMELEC, sa pamamagitan ng Task Force Katotohanan, Katapatan at Katarungan (KKK) sa Halalan, ng kasong cybercrime laban kay Respicio dahil sa umano’y serye ng mga social media posts na nagsasabing kaya niyang manipulahin ang resulta ng Eleksyon 2025. May kasong diskwalipikasyon din na inihain laban sa kanya.

Samantala, naghain si Respicio ng petisyon sa Korte Suprema upang kuwestyunin ang hakbang ng COMELEC na suspendihin ang kanyang proklamasyon.