-- Advertisements --

Nagtipon ang Filipinos Do Not Yield (FDNY) movement sa Mabuhay Rotonda, Quezon City nitong gabi ng Martes bilang pagpapakita ng suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay FDNY spokesperson Giselle Albano, layunin ng rally na ipaalala ang mandato ng Pangulo sa mahigit 31 milyong botante na nagluklok sa kaniya noong 2022 elections.

Dagdag pa ni Albano, tuloy-tuloy ang kanilang mga plano na magdaos ng mga aktibidad sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang maipakita na may grupong handang sumuporta sa Pangulo.

Giit niya, hindi sila konektado sa anumang pulitiko at kusang-loob ang pagsuporta ng kanilang mga miyembro na karamihan ay Marcos loyalists.

Hinimok din ni Albano ang publiko na igalang ang magkakaibang opinyon sa pulitika at panindigan ang alam nilang tama at huwag na magbulag-bulagan kung alam ng mali.

Sa naturang pagtitipon, nagsagawa ang kilusan ng candle lighting at may mga hawak na banner na may nakasulat na “PROTECT PBBM” at isinisigaw ang mga katagang “taumbayan, galit sa magnanakaw!”

Sa kabuuan, naging maayos at mapayapa naman ang ginanap na pagtitipon.