Sinuspinde ng online social media platform na Twitter ang nasa daan-daang accounts na lantarang dinedepensahan ang tugon ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa COVID-19 pandemic sa bansa.
Lumabas sa report ng US-based broadsheet na Washington Post, na nilabag ng mga na-suspindeng accounts ang “platform manipulation” at “spam policies” ng Twitter.
Kabilang daw sa mga halimbawa ng paglabag ang: pagpo-post ng magkakaparehong content gamit ang iba’t-ibang accounts; gayundin ang pagpapadala ng maraming “unsolicited” o walang pahintulot na reply.
Tikom naman ang pamunuan ng social media giant na magbanggit ng karagdagang impormasyon, maliban sa pagsabi na mismong Washington Post ang lumapit sa kanila para alamin ang impormasyon.
Ang malinaw lang daw ay hindi pinahihintulutan ng website ang “platform manipulation.”
“Since the declaration of a lockdown, critics and supporters of the government have been battling online. Many of the users tweeting support had suspicious elements: bot-like numbers on Twitter handles, few followers and new accounts — some created as recently as this month,” batay sa Washington Post article.
“The power of a uniquely open service during a public health emergency was clear,” ayon sa Twitter.
Nagpapatuloy daw ang global trust and safety team ng kompanya sa pagsuporta sa misyon nito laban sa mga magtatangkang manipulahin ang impluwensya ng social media platform at pag-abuso sa kanilang serbisyo.