BUTUAN CITY – Isinailalim sa heightened red alert status ang rehiyon ng Caraga ngayong araw ng libing ng pinakamataas na kumander ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) na si Jorge “Ka Oris” Madlos.
Ayon kay Pol. Maj. Dorothy Tumulak, ang regional spokesperson ng Police Regional Office 13 (PRO-13) sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, simula noong namatay ang NPA leader ay itinaas na sa red alert status ang rehiyon dahil sa posibleng pagganti ng NPA lalo na sa mas pinaigting na paglaban ng gobyerno sa insurhensiya.
Dagdag pa ni Tumulak, mahigpit na binabantayan ngayon ng pulisya at militar ng rehiyon ang mga liblib na lugar na pinagbabantaan ng rebeldeng grupo na kanilang aatakihin na na-monitor sa pamamagitan ng monitoring system.
Nilinaw din nito na malaking kawalan sa natitirang makakaliwang grupo ang pagkamatay ni Ka Oris kung kaya’t nanawagan ito na bumalik na sila sa gobyerno dahil hindi nila makukuha ang tagumpay sa kanilang pakikibaka kundi dyan lamang sa pagsuko ng kanilang sarili sa gobyerno.