Nagpaalala ngayon ang National Privacy Commission (NPC) sa lahat ng mga Pinoy na fully vaccinated na ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine na iwasang i-post sa social media ang larawan ng kanilang vaccination card.
Ayon sa NPC, naglalaman kasi ng mga mahahalaga at sensitibong impormasyon ang naturang card.
Posible umano itong pag-ugatan ng identity theft at iba pang uri ng online scam na nagsusulputan ngayong pandemic.
Ang vaccination card ay pruweba na nabakunahan na ang isang indibidwal at naglalaman ito ng mga impormasyon gaya ng full name, address, birth date, sex at brand ng bakunang naiturok sa may hawak ng naturang card.
Para sa ilang local government units (LGUs) mayroon pang QR Code at larawan ang kanilang vaccination card.
Bagamat naiintindihan naman umano ng NPC na malaking bagay ang pagiging bakunado ng isang tao ngunit kailangan pa rin nilang iwasang ibahagi ang kanilang vaccination card sa social media.
Kung kinakailangan naman daw talaga itong i-upload ay dapat tanggalin o takpan ang mahahalagang impormasyon gaya ng edad, health records at iba pa para maiwasan mabiktima ng mga scammer na nananamantala ngayong panahon ng pandemic.
Puwede raw itong gawin sa pamamagitan ng mga photo editing apps o ang paggamit ng digital marker para matakpan ang mga sensitibong mga items.
Kaugnay nito, pinaalalahanan din ng komisyon ang mg Pinoy na paalalahanan ang kanilang mga kaibigan na maging responsable sa paggamit ng social media lalo na sa pag-share sa mga post sa kanilang timeline o ang pag-tag sa kanilang mga Facebook friends.