-- Advertisements --

Tiniyak ng Grains Retailers’ Confederation of the Philippines, Inc. (GRECON) na may sapat na suplay ng bigas sa bansa, ngunit inaasahang tataas ng P1.50 hanggang P2 kada kilo ang presyo ng lokal at imported na bigas. Ang pagtaas ay dulot ng tumataas na logistics cost kasunod ng patuloy na pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa pinakahuling monitoring ng Department of Agriculture ngayong Marso 2026, nasa P44–P46/kilo ang regular milled rice, P47–P49/kilo ang well-milled rice, at P52–P55/kilo ang premium rice.

Ayon sa ulat, may ilang lugar na tumaas na ng halos P2 kada kilo ang presyo ng bigas sa Metro Manila matapos ang unang bugso ng fuel price hikes na umabot sa halos P20 kada litro.

Ipinaliwanag ng GRECON na bagama’t hindi problema ang suplay, ang mataas na presyo ng langis ay nagpapataas ng gastos sa transportasyon ng bigas mula sa mga probinsya patungo sa merkado.

Dagdag pa rito, naapektuhan din ng global oil crisis at bagong rice import tariff system ang presyo ng imported rice.

Para sa mga konsyumer, ang dagdag na P2 kada kilo ay katumbas ng P100–P200 dagdag gastos kada buwan para sa pamilyang kumukonsumo ng 50–100 kilo ng bigas.

Malaki rin ang epekto nito sa mga carinderia at maliliit na negosyo na umaasa sa murang bigas para sa kanilang operasyon.

Samantala, tiniyak ng Department of Agriculture na patuloy ang price monitoring at pinag-aaralan ang posibleng subsidy sa transport at logistics upang maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng petrolyo.