-- Advertisements --

Matapos na bumuo ang Pangulong Rodrigo Duterte ng kanyang Presidential Transition Committee (PTC) para sa papasok na bagong administrasyon, nag-anunsiyo rin ang kampo ng mga Marcos sa magiging counterpart ng komite ng Malakanyang.

Ayon kay Atty Vic Rodriguez, spokesman ni presumptive presidente Bongbong Marcos, siya ang mamumuno ng kanilang transition committe.

Ang iba pang mga miyembro ay kinabibilangan nina dating Davao del Norte Rep. Anton Lagdameo, dating Manila Rep. Naida Angping at South Cotabato Gov. Jun Tamayo.

Sinabi ni Rodriguez na ang kanilang komite ay naatasang magtrabaho kasama ang Malacañang’s Presidential Transition Team na kinabibilangan naman nina Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., Finance Secretary Carlos Dominguez, Budget Undersecretary Tina Rose Marie Canda at Socioeconomic Planning Secretary Karl Chua.

Layon ng naturang itinatag na mga komite na maging maayos o “smooth” ang turnover ng pamamahala ng gobyerno sa bagong presidente ng Pilipinas.

Kung maalala batay sa batas ang panunungkulan ng Pangulong Duterte ay magtatapos sa June 30, ng taong kasalukuyan.

Sa inilabas na Administrative Order ng Pangulong Duterte tinitiyak na magiging polisiya umano ng kanyang administrasyon na gawin ang lahat ng pamamaraan na magkaroon ng “peaceful, orderly, and smooth transfer of powers” patungo sa bagong duly-elected president.