Magbibigay ang lungsod Quezon City ng gender-affirming consultations, counseling, at mental health support para sa mga gender-diverse at transgender na indibidwal sa ilalim ng bagong Gender-Inclusive Health Ordinance.
Ayon sa ordinansa, isasama ang gender-affirming care sa mga programang gaya ng HIV/AIDS prevention, disability services, at crisis support sa pamamagitan ng Quezon City Protection Center.
Layon din nitong magbigay ng gabay medikal at referrals sa mga specialized services.
Ipinag-uutos din ng batas na lahat ng pampublikong health facility sa lungsod, ay dapat magbigay ng mental health support, at ipinagbabawal ang conversion therapy at iba pang mapanupil na gawain laban sa sexual orientation, gender identity, gender expression, at sex characteristics (SOGIESC).
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, patunay lamang ito na seryoso ang lungsod sa isang inklusibong sistema ng pangkalusugan.
Bukod dito bubuo ng technical working sub-committee, sa pamumuno ng QC Pride Council, katuwang ang QC Gender and Development Council at District Pride Council, para sa implementasyon ng ordinansa.
Maalalang noong 2023, inilunsad din ng Quezon City ang Right to Care Card para kilalanin ang karapatan ng LGBTQIA+ couples sa paggawa ng medical decissions para sa kanilang mga partner.