Nakikitang nagpapataboy sa potensiyal na energy investors sa bansa ang nagpapatuloy na tensiyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin, interesadong mamuhunan sa bansa ang mga kompaniya mula sa Australia, Israel, Amerika at United Arab Emirates.
Nakita aniya nila na isang magandang pagkakataon na mamuhunan sa bansa dahil nakita nilang mayroon ang PH ng tamang mga polisiya at liderato para mag-invest ng $43 billion.
Subalit ayon sa kalihim, pumipigil sa mga investor na mamuhunan ang potensiyal na conflict areas tulad ng WPS na pinaniniwalaang mayaman sa mga reserbang natural gas.
Inialok na aniya sa potential investors ang Reed Bank na nasa WPS, subalit walang kumukuha.
Paliwanag ni Sec. Garin na walang investor ang mangangahas na ipagsapalaran ang bilyun-bilyong halaga kung walang garantiya ang kanilang seguridad.
Ginawa naman ng kalihim ang pahayag nang matanong kaugnay sa alternatibong mapagkukunan ng natural gas sa bansa maliban sa Malampaya na nagiisang native source para sa natural gas na tinatayang maubos ang suplay sa taong 2027, dalawang taon na lamang mula ngayon.