-- Advertisements --

Pinangunahan ni Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP HPG) Acting Director PBGen. William Segun ang kaniyang kauna-unahang Command Conference bilang direktor ng naturang yunit.

Layon ng conference na mas paigtingin pa ang mga operasyon, mas mabilis na emergency response at mas malakas na paninidigan na magpabot ng serbisyo sa publiko.

Pinakabinigyang diin naman ng pagpupulong ang direktiba na mas palakasin pa ang radio proficiency ng mga tauhan sa ilalim ng naturang yunit.

Ani Segun, dapat lamang na lahat ng miyembro ng HPG ay maalam pagdating sa paggamit ng mga radyo para sa mas maayos na komunikasyon at koordinasyon at epektibong pagkakasa ng mga operasyon.

Tinalakay rin ang mahigpit na implementasyon ng 5 minute response time na siyang alinsunod sa mga direktiba ni PNP Chief PGen. Nicolas Torre III.

Ayon sa acting director, dapat na matiyak ng HPG na magiging epektibo ang implementasyon nito sa kanilang day-to-day operations at siguruhing may malalim na pakikipagugnayan sa mga local police units.

Samantala, nagbabala naman si Segun sa kaniyang mga tauhan hinggil sa visibility at accountability.

Ayon kay Segun, bawal sa ilalim ng kaniyang liderato bilang direktor ng yunit ang patago-tago at dapat na maramdaman ng publiko ang kanilang presensya hindi lamang sa pagpapatupad ng mga batas ngunit dapat lalo na kapag kinakailangan ang kanilang tulong.