CENTRAL MINDANAO – Patay ang isang bilanggo at sugatan ang isang opisyal ng pulis sa nangyaring pamamaril sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala ang nasawi na si Nords Kabil Usman, may kasong illegal possession of firearms at frustrated murder.
Nagtamo naman ng daplis sa braso si Captain Rommel Enriquez, chief of police ng General Salipada K. Pindatun (GSKP), Maguindanao.
Ayon kay Datu Odin Sinsuat chief of police, Major Joseph Macatangay, sakay si Usman sa police patrol car kasama ang grupo ni Enriquez mula sa bayan ng GSKP patungong Cotabato City para sana sa inquest proceedings sa korte.
Ngunit pagsapit nila sa Sitio Katulungan, Brgy Taviran, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao ay bigla silang dinikitan ng riding in tandem suspects at pinagbabaril si Usman gamit ang kalibre .45 na pistola.
Mabilis namang tumakas ang mga suspek nang paputukan sila ng mga pulis.
Tinamaan sa ulo at dibdib si Usman kaya hindi na ito umabot ng buhay sa pagamutan habang daplis sa braso si Police Captain Rommel Enriquez.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Datu Odin Sinsuat PNP sa naturang pangyayari.