-- Advertisements --
us coronavirus death

Hindi na nakapagpigil si dating United States Vice President at Democratic nominee Joe Biden na harapang supalpalin si President Donald Trump hinggil sa naging tugon ng kaniyang administrasyon sa coronavirus pandemic.

Dito ay inilista ni Biden ang iba’t ibang statistcs na nagpapakitang aabot na ng 200,000 na mga Amerikano ang namatay at mahigit 7 million na ang tinamaan.

“The president has no plan. He hasn’t laid out anything. He knew all the way back in February how serious this crisis was,” saad ni Biden.

Mistulang pinupunto rito ng dating bise presidente ang sinabi ni Trump sa journalist na si Bob Woodward noong Pebrero na hindi dapat ikabahala ang deadly virus dahil sapat umano ang kahandaan ng Estados Unidos sa mga ganitong krisis.

Ayon kay Biden, kung siya raw ang pangulo ay sisiguraduhin nito na sapat ang mga equipment ng bawat ospital sa bansa upang gamutin ang mga pasyente at protektahan ang health care workers sa bansa.

Ipinagtanggol naman ni Trump ang kaniyang sarili sa ibinabato sa kaniya ni Biden, kung hindi raw kasi nito ipinag-utos ang travel restriction sa China noong Enero ay mas marami pang mamamayan ng Amerika ang babawian ng buhay dahil sa coronavirus.

“Many of your Democrat governors said President Trump did a phenomenal job,” pagmamalaki ni Trump.

Nagawa rin nitong puriin ang kaniyang administrasyon sa kanilang mga inilatag na hakbang para kontrolin ang COVID-19.

Fauci Birx Trump task force covid

“It’s just fake news. They give you good press, and give me bad press,” patutsada ni Trump sa media. “I’ll tell you, Joe, you could’ve never done the job that we did.”

Inamin din ng Republican president na hindi ito sang-ayon sa pinuno ng “Operation Warp Speed”, na ginawa upang pabilisin ang pag-develop ng COVID-19 vaccine.

Sinabi kasi ni Moncef Slaoui, chief adviser ng Operation Warp Speed, na posibleng sa 2021 pa magkaroon ng posibleng bakuna kontra COVID-19.

“I disagree with him,” saad ng pangulo.

Nakakita naman ng oportunidad si Biden na ungkatin ang naging suhestyon ni Trump noon na paggamit ng bleach para labanan ang virus.

“That was said sarcastically, you know that,” pagtatanggol ni Trump sa kaniyang sarili.