Ibinasura ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga panawagan sa kanya na utusan ang mga prosecutor na ipawalang bisa ang mga kaso sa droga laban kay dating Sen. Leila de Lima.
Una nang hinihikayat si Marcos na gamitin ang kanyang legal power bilang chief executive upang palayain si De Lima mula sa pagkakakulong na kung saan maaaring gawin daw na hindi nakikialam sa korte na humahawak sa kanyang mga kaso.
Gayunman sagot ni Pangulong Marcos, ang paghihimok sa mga prosecutors na gawin ang isang bagay o ibang bagay ay nakakasagabal sa kanilang panunungkulan.
Dagdag pa niya, makailang ulit na rin daw niyang inihayag na ayaw niyang makialam sa kaso ng dating senadora at hahayaan niya na ang korte na lamang ang humawak nito kung saan tiwala naman daw siya sa lahat ng proseso na ginagawa.
Kung maaalala ang mga panawagan para sa pagpapalaya kay De Lima ay muling nabigyang pansin matapos siyang ma-hostage ng kapwa detenido sa loob ng Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame.
Una rito, inalok si De Lima ni Pangulong Marcos na maaari siyang ilipat sa ibang detention facility ngunit tinanggihan ito ng dating mambabatas. (with reports from Bombo Allaiza Eclarinal)