Lubog pa rin sa baha ang ilang kalsada sa lungsod ng Maynila, partikular sa kahabaan ng Taft Avenue.
Bunsod ito ng walang tigil na ulan dulot ng nagdaang Bagyong Crising at habagat.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Christian John Evangelista, hepe ng Research and Planning Division ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office — gutter-deep pa rin ang lebel ng tubig sa Taft Avenue at sa ilan pang lugar, ngunit nilinaw nito na kaya na itong daanan ng mga sasakyan.
Wala na rin aniya silang namo-monitor na lagpas sa gutter, ngunit inaasahan pa rin daw na tataas ito dahil sa katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.
Samantala, bagama’t baha pa rin sa ilang kalsada sa Maynila, ang ilang mga apektadong pamilya naman sa mga evacuation centers ay bumalik na sa kanilang lugar.
Sa pinakahuling datos, nasa 20 ang evacuation sites sa Maynila; 784 ang mga apektadong pamilya o 2,540 na indibidwal.
Ayon kay Evangelista, karamihan ng mga lumikas ay mula sa District 4 na mayroong dalawang evacuation centers — ang Brgy. 456 Daycare Center at Trinidad Tecson Elementary School.
Patuloy rin aniya ang pag-iikot ni Manila Mayor Isko sa mga evacuation sites, gayundin ng ilang tanggapan sa lungsod.
Dagdag pa, patuloy aniya ang kanilang koordinasyon sa Schools Division Office at mga barangay sakaling kinakailangan ng karagdagang evacuation centers o pansamantalang masisilungan ng mga apektadong residente sakaling lumala ang sitwasyon.