-- Advertisements --

Patay ang isang pulis sa New York at 4 na iba pang sibilyan matapos mag-amok ang isang lalaki sa Midtown Manhattan gamit ang AR-style rifle kung saan dosena ang napaulat na nasugatan sa insidente ayon sa source ng ABC News.

Nangyari ang pamamaril sa isang gusali sa midtown Manhattan na tinutuluyan ng malalaking opsiyal sa financial firms nitong Lunes ng gabi oras sa Amerika.

Ayon sa ulat, may suot na bulletproof vest ang suspek at nagbarikada ito sa loob ng gusali, na matatagpuan sa 345 Park Avenue, bago tuluyang “na-neutralize” ng mga awtoridad.

Kinilala ng pulisya ang suspek bilang isang 27-anyos na lalaki mula sa Las Vegas. Nabatid naman na natagpuang wala nang buhay ang suspek sa loob ng gusali matapos umanong magpakamatay ayon sa mga awtoridad.

Kinumpirma naman ni Mayor Eric Adams na maraming nasugatan sa pamamaril, habang sinabi naman ng New York Police District Commissioner na kontrolado na nila ang sitwasyon.

Tumugon narin ang FBI upang tumulong habang nagpapatuloy ang imbestigasyon kung saan hindi pa malinaw ang motibo ng pamamaril.