Dumating na ang unang shipment ng imported diesel ng pamahalaan nitong Huwebes, Marso 26, 2026 bilang bahagi ng hakbang upang mapatatag ang suplay ng langis at mapigilan ang epekto ng pabago-bagong presyo nito sa lokal na merkado.
Ayon sa Department of Energy (DOE), nasa humigit-kumulang 22.5 milyong litro o 142,000 bariles ng diesel ang kanilang natanggap, na bahagi ng plano upang palakasin ang reserba ng enerhiya ng bansa.
Isinagawa ito alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ilalim ng Executive Order No. 110, na nagtatag ng Emergency Energy Security Program.
Layunin ng programa na protektahan ang mga mamimili at industriya laban sa biglaang pagtaas ng presyo ng langis sa world market sa pamamagitan ng pagdagdag ng lokal na imbentaryo ng fuel.
Sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na patuloy nilang mino-monitor ang suplay ng langis upang matiyak na hindi maaantala ang transportasyon at kalakalan sa bansa.
Pinangangasiwaan ang pagbili at pagdadala ng diesel sa tulong ng Philippine National Oil Company at ng PNOC Exploration Corp., na inatasang tiyakin ang maayos na implementasyon ng programa.
Target ng pamahalaan na makapag-imbak ng hanggang 2 milyong bariles ng karagdagang fuel bilang reserba, na magsisilbing proteksyon laban sa posibleng kakulangan sa suplay.
Sa kabila ng patuloy na paggalaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, iginiit ng DOE na prayoridad ng gobyerno ang sapat at tuloy-tuloy na suplay ng diesel, na mahalaga sa transportasyon at agrikultura.
Hindi naman sisnabi ng ahensya ang kabuuang halaga ng naturang shipment, ngunit binigyang-diin ng DOE na mas mahalaga ang pagiging accessible ng fuel para sa publiko sa gitna ng umiiral na pressure sa global oil prices.
















