-- Advertisements --

Nangangamba ang mga bansa sa Middle East sa posibleng retaliatory attacks ng Iran sakaling ipatupad ni US President Donald Trump ang banta nitong aksyon matapos ang ibinigay na 48-oras na ultimatum.

Ayon kay Bombo Joseph Rivera, international correspondent sa Qatar, nagbabala ang Iran na maaaring tuluyang masira ang mga kumpanyang may kaugnayan sa Estados Unidos kung targetin ng Washington ang kanilang mga energy facilities.

Dagdag pa rito, itinuring din ng Iran na lehitimong target ang mga energy infrastructure sa mga bansang may presensya ng US military bases.

Sa inilabas na pahayag ng Iran, iginiit nilang hindi sila ang nagsimula ng tensyon ngunit handa silang ipagtanggol ang kanilang bansa at interes ng mamamayan sakaling umatake ang kanilang kalaban.

Ipinaliwanag pa ni Rivera na matatagpuan sa Qatar ang Al Udeid Air Base, na kinikilalang pinakamalaking US military base sa Middle East, at dahil dito ay itinuturing itong isa sa mga posibleng target sakaling lumala ang sigalot.

Sa gitna ng tumitinding tensyon, patuloy na nananawagan ang iba’t ibang bansa sa diplomasya upang maiwasan ang mas malawak na sigalot na maaaring makaapekto hindi lamang sa Middle East kundi pati sa pandaigdigang ekonomiya, lalo na sa suplay ng langis na dumadaan sa Strait of Hormuz.

Batay sa datos ng International Energy Agency, mahigit 20% ng pandaigdigang suplay ng langis ay dumaraan sa naturang kipot, dahilan kung bakit kritikal ang sitwasyon para sa buong mundo.