-- Advertisements --

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na sapat ang suplay ng langis sa bansa sa loob ng humigit-kumulang 45 araw sa gitna ng pangamba sa pandaigdigang suplay.

Ayon sa Pangulo, walang dapat ikabahala o hindi dapat mag panic ang publiko.

Inatasan ng Pangulo ang Department of Energy na alamin ang kasalukuyang imbentaryo ng diesel, gasolina, kerosene, at jet fuel, at tiyaking patuloy ang paghahanap ng karagdagang supplier.

Sinabi ng Pangulo na hindi pa kasi tiyak kung gaano katagal maaapektuhan ang suplay mula sa Middle East, kaya patuloy ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa mga supplier at partner countries.

Tiniyak din ni Pangulong Marcos na igagalang ang mga umiiral na kontrata sa pag-import ng langis upang masigurong tuloy-tuloy ang dating ng suplay sa Pilipinas. Aminado siyang noong una ay nahirapan ang mga supplier na magbigay ng detalye dahil sa kawalang-katiyakan sa sitwasyon, kabilang ang presyo.

Gayunman, unti-unti nang nagiging maayos ang daloy ng suplay matapos ang tuloy-tuloy na koordinasyon at paghahanap ng alternatibong sources na hindi apektado ng labanan sa Middle East.

Dagdag pa ng Pangulo, bagama’t hindi pa ganap na tiyak ang pangmatagalang suplay, inaasahan na magpapatuloy ang pagdating ng langis sa bansa lampas sa 45 araw dahil sa mga bagong supplier at kasunduang pinaplantsa.