-- Advertisements --

Nanawagan ang isang grupo ng mga delivery rider sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na linawin ang mekanismo ng pamamahagi ng P5,000 cash assistance, kasunod ng pangamba na maraming rider ang maaaring hindi makinabang dahil sa kanilang impormal na uri ng trabaho.

Sa isang pahayag noong Biyernes, sinabi ng Riders-Sentro na bagamat kanilang ikinatutuwa ang pagsama sa mga delivery rider sa listahan ng mga benepisyaryo, nananatili ang seryosong alalahanin hinggil sa implementasyon ng programa.

Ayon sa grupo, maraming delivery rider sa bansa ang hindi pormal na empleyado ng mga digital platform, kundi nasa ilalim ng tinatawag na “precarious” o hindi tiyak na working arrangements.

Dahil dito, may panganib na hindi sila maisama sa listahan ng mga makatatanggap ng ayuda kung hindi magiging malinaw at inklusibo ang sistema ng distribusyon.

Upang maiwasan ang ganitong sitwasyon, hinimok ng grupo ang DSWD na makipagpulong sa mga kinatawan ng delivery riders kung saan kabilang sa nais nilang linawin ay ang eksaktong halaga ng matatanggap ng bawat rider, paraan ng pamamahagi ng ayuda at mga kwalipikasyon o criteria para maging benepisyaryo

Iginiit ng grupo na mahalaga ang direktang konsultasyon upang matiyak na ang programa ay magiging patas at epektibo at binigyang-diin ang mahalagang papel ng mga delivery rider, lalo na noong kasagsagan ng pandemya kung saan sila ang nagsilbing pangunahing tulay sa paghahatid ng pagkain at iba pang pangangailangan.

Dahil dito, naniniwala silang nararapat lamang na matiyak ng pamahalaan na ang tulong ay makarating sa kanila nang buo, patas, at walang pagkaantala.

Isa sa pangunahing dahilan ng panawagan ay ang patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, na direktang nakaaapekto sa kita ng mga rider. Ayon sa grupo, napipilitan ang mga rider na akuin ang dagdag gastos sa krudo habang nananatiling mababa o hindi nagbabago ang kanilang kita.