Ganap nang batas ang panukalang nagbibigay kapangyarihan sa pangulo ng bansa na bawasan o suspendihin ang excise tax sa langis.
Ito’y matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 12316.
Sa ilalim ng batas, binibigyan ang pangulo ng emergency powers na suspendihin o bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo, batay sa rekomendasyon ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) at sa pakikipagtulungan ng Kalihim ng Department of Energy.
Maaaring gamitin ang kapangyarihang ito kapag umabot o lumagpas sa 80 dolyar kada bariles ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado sa loob ng isang buwan.
Ayon sa batas, ang pagsuspinde o pagbawas ng buwis ay maaaring ipatupad sa mga espesipikong produktong petrolyo. Maaari rin itong isagawa bilang ganap na suspensyon o bahagyang pagbawas ng excise tax, depende sa umiiral na kondisyon sa ekonomiya at presyo ng langis.
Nilinaw din na ang pagpapatupad ng suspension o bawas sa excise tax ay hindi lalagpas sa tatlong buwan sa loob ng isang taon.
Bahagi ito ng mga hakbang ng pamahalaan upang mapagaan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa mga mamamayan, partikular sa pamasahe, presyo ng bilihin, at gastos sa transportasyon.
Magiging epektibo ang batas labinlimang araw matapos itong mailathala sa Official Gazette o sa isang pahayagang may malawak na sirkulasyon.
















