-- Advertisements --

Upang mapabilis ang pag-usad ng PUV modernization program, iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian na dagdagan ng pamahalaan ang tulong pinansyal para sa mga tsuper at operator na lilipat sa paggamit ng mga electric vehicle (EV).

Ayon sa senador, kinakailangan ang mas malaking suporta mula sa gobyerno upang mahikayat ang public transport sector na yakapin ang makabagong teknolohiya.

Binigyang-diin ni Gatchalian na ang mas mabilis na transisyon sa mga EV ay magsisilbing kalasag ng bansa laban sa matinding epekto ng oil shocks o ang pabago-bagong presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Mapalalakas din umano nito ang energy security ng Pilipinas dahil bababa ang pangangailangan ng bansa sa krudo.

Bukod sa matitipid sa petrolyo, makikinabang din ang mga lalahok na PUV operator at tsuper sa excise tax exemption ng pamahalaan.

Sa huli, ipinaliwanag ng mambabatas na ang paggamit ng mga electric vehicle ay isang epektibong hakbang upang malimitahan ang pagtaas ng pamasahe na nagpapabigat sa mga ordinaryong pasahero.