Ilang public utility vehicle (PUV) drivers na lumahok sa Service Contracting Program (CSP) ng pamahalaan ang nagrereklamo dahil hanggang ngayon ay hindi pa nila natatanggap ang ipinangakong bayad para sa kanilang serbisyo.
Ayon sa ilang driver sa rutang Muñoz hanggang SM Monumento, halos 20 araw na silang naghihintay ng payout mula sa programa.
Giit ng isang driver, malaking tulong sana ang bayad lalo na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
May ilan namang nagsasabing sinabi sa kanila na posibleng sa Disyembre pa maibigay ang kabayaran, ngunit nangangamba silang lalo pa itong maaantala.
Ang Service Contracting Program ay inilunsad ng Department of Transportation (DOTr) upang mabawasan ang gastusin ng mga driver sa gitna ng epekto ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Sa ilalim kasi ng programa, kinakailangang magbigay ang mga operator ng 20 porsiyentong diskwento sa pasahe kapalit ng subsidiya mula sa gobyerno.
Maaaring makatanggap ng hanggang P3,000 ang isang driver para sa 10 biyahe sa rutang may kabuuang 100 kilometro.
Kabilang sa mga lumahok sa programa ang traditional jeepneys, modern jeepneys, city buses, at bus ways.
Ayon naman sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), nasa 16,000 hanggang 17,000 operator units ang nakinabang sa programa habang nasa 23 hanggang 24 milyong pasahero naman ang nabigyan ng diskwento sa pamasahe.
Patuloy pang kinukuhaan ng Bombo Radyo ng pahayag ang LTFRB ngunit wala pa silang ibang detalye na binibigay ngunit nakatuon umano ngayon ang ahensya sa fuel subsidy program na mas nais ng ilang driver.















