-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Magsasagawa ng pre-emptive evacuation simula ngayong umaga ang lokal na pamahalaan sa bayan ng Tubay, Agusan del Norte para sa mga residenteng nakatira sa mga delikadong lugar dahil sa banta na dala ng bagyong Tino.

Ayon kay Jimmy Ceballos, Hepe ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO-Tubay), ginamit nilang batayan ang karanasan sa super typhoon Odette, kaya maagang naglabas ng executive order ang alkalde para sa suspensyon ng klase at trabaho upang hindi sila maantala pagdating sa pagtugon para sa kaligtasan ng mga mamamayan.

Kahapon ng hapon, nagsagawa sila ng pre-assessment meeting kung saan tinalakay ang mga paghahanda lalo na’t kasama sila sa iilang mga lalawigan na n asa storm signal number 1.

Humingi rin sila ng tulong mula sa isang mining company para sa augmentation ng mga Saddam trucks bilang karagdagang suporta sa gagawing pre-emptive evacuation.

Magkakaroon din sila ng situational update briefing ngayong araw kasama si Mayor Jimmy Beray upang maplano at masuri ng mabuti ang mga hakbang na dapat gawin para sa mga susunod na gawain kaugnay ng disaster preparedness.