Pinalawig pa sa ika-apat na pagkakataon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang prangkisa ng nasa 25,000 tradisyunal na dyip sa Metro Manila.
Ayon sa LTFRB, ang pagpapalawig ng prangkisa ay upang mabigyan pa ng panahon ang mga tsuper ng dyip at operators para sumama o bumuo ng kooperatiba na mandato sa ilalim ng jeepney modernization program ng gobyerno.
Una ng itinakda ang pagpaso ng prangkisa ng traditional jeepneys sa Abril 30 ng kasalukuyang taon.
Kung saan layunin ng naturang programa na mapalitan ang mga tradisyunal na dyip ng mga sasakyan na papatakbuhin ng environment-friendly fuels.
Maaaring mag-apply ang operators at drivers para sa bagong mga prangkisa subalit bilang bahagi ng transport cooperatives.
Una ng sinabi ng LTFRB na mas magandang maging miyembro ng kooperatiba ang mga tsuper ng dyip dahil hindi na nila kailangan pang mag-boundary.
Nag-ugat ang desisyong pagpapalawig ng mga prangkisa kasunod ng pagpupulong ng mga opisyal ng LTFRB kaugnay sa nasabing usapin para maiwasan ang posibleng kakulangan ng jeepneys sa Metro Manila.