Nagbabala ang Philippine Ports Authority (PPA) sa publiko at mga kontraktor laban sa mga indibidwal na nagpapanggap na kasapi ng umano’y anti-corruption task force.
Sa inilabas na abiso, sinabi ng ahensiya na nangingikil umano ng pera ang mga nagpapakilalang miyembro ng task force kapalit ng hindi umano pag-inspeksiyion sa kanilang mga ginagawang proyekto.
Subalit paglilinaw ng PPA na ang mga lehitimong inspeksiyon ay dumadaan sa opisyal na koordinasyon ng ahensiya at hindi pinapabayaran.
Kaugnay nito, nagpaalala ang ahensiya na dapat beripikahin muna ang pagkakakilanlan ng nagpakilalang inspection personnel sa PPA Office.
Inabisuhan din ang publiko o mga kontraktor na agad i-report ang anumang uri ng pangingikil sa tanggapan ng General Manager sa PPA Head Office Port Area, Manila.
Lumabas naman ang babala ng ahensiya sa gitna ng kaliwa’t kanang imbestigasyon ngayon sa maanomaliyang flood control projects ng gobyerno.