-- Advertisements --

Iniulat ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na nanatiling matatag ang kanilang mga pasilidad at transmission lines upang masiguro ang maayos na operasyon ng vote counting machines (VCMs).

Batay sa datos ng NGCP hanggang alas-11 ng umaga, umabot sa 9,220 megawatts (MW) ang demand sa Luzon, habang nasa 17,168 MW ang kabuuang kapasidad ng rehiyon.

Sa Visayas, nakapagtala ito ng 1,735 MW, habang mayroon itong 3,048 MW na suplay. Sa Mindanao naman, umabot ang demand sa 1,615 MW, habang may 3,636 MW na kapasidad.

Pansamantalang sinuspinde ng NGCP ang lahat ng maintenance activities hanggang Mayo 16 upang maiwasan ang anumang aberya sa araw ng halalan.

Aktibo rin ang kanilang 24/7 operations command center para agarang tugunan ang mga isyu sa kuryente.

Samantala, tiniyak ng Manila Electric Company (Meralco) na nakaantabay ang kanilang mga crew sa mahigit 3,000 polling precincts sa loob ng National Capital Region (NCR) upang rumesponde sa anumang power-related concerns.