-- Advertisements --

Aminado ang kasalukuyang kalihim ng Department of Justice na si Secretary Jesus Crispin Remulla na nagkaroon ng komplikasyon hinggil sa potensyal na ‘whistleblower’ kaugnay sa isyu ng flood control projects.

Ayon sa kalihim, ang umano’y posibleng tetestigo sana ay isang kontratista kabilang sa mga proyektong nasasangkot sa kontrobersiya.

Paliwanag niya na kaya’t nagkaroon ng problema ay dahil sa magkakasabay at iba’t ibang mga isinasagawang imbestigasyon ng pamahalaan sa kasalukuyan.

Kaya’t maari daw ang iba’y nagbago ang kanilang isipan o marahil lumakas naman ang loob para tumayo at lumantad bilang testigo.

Hinihintay na lamang aniya ang executive order para sa binubuong ‘independent committee’ na mag-iimbestiga at tututok sa kontrobersyal na ghost flood control projects ng gobyerno.

“Nagkakaroon ng complications kasi ang dami kasing, there are so many moving pieces in government. Kaya the last conversation is only good up to that point,” ani Sec. Jesus Crispin Remulla ng Department of Justice.

Maaalala na nitong nakaraan lamang ay ibinahagi din ng kalihim ang patungkol dito kung saan nakausap aniya ang abogado ng naturang ‘potential whistleblower’.

Base sa kanyang pakikipanayam, sinabi raw nito kung nasa magkano o ilang porsyento ang naging hatian o naiiwan na lamang bayad para sa kontratista.

Nasa 20-40% lamang aniya raw ang dumating sa kanila mula sa proyektong dapat sana makatulong sa pagkontrol ng baha ngunit isa palang ‘ghost project’.