-- Advertisements --

Kabilang sa iniimbestigahan ngayon ng Civil Aviation Authority of the Philippines Aerodrome and Air Navigation Safety Oversight Office (AANSOO) ang posibilidad na “external threat” ang dahilan sa nangyaring technical glitch sa NAIA na naging sanhi sa total shutdown ng operasyon ng paliparan at pagkansela sa mahigit 300 mga international at domestic flights at nasa nasa 65,000 pasahero ang naapektuhan.

Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista hindi nito inaalis ang posibilidad ng panlabas na pag-atake sa Air Traffic Control System ng Pilipinas.

Sinabi ni Bautista lahat ng posibilidad ay pakatutukan ng probe team.

Aniya may mga ispekulasyong nagsilabasan subalit ni isa dito ay hindi nila makumpirma sa ngayon.

Pagtiyak ng kalihim gagawin nila ang lahat para hindi na maulit pa ang nasabing insidente.

Sa kabilang dako, nanindigan si Bautista na ang nangyaring technical glitch nuong new years day ay dahil sa outdated facilities na kailangan na talagang palitan ng modernong facilities.

Aminado si Bautista na 10 taon ang layo ng airport ng Pilipinas kumpara sa mga paliparan ng ibang bansa na mga modernong kagamitan na ang ginagamit.

Personal na nagsagawa ng inspeksyon ang kalihim upang alamin ang sitwasyon sa paliparan at matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.

Siniguro ni Secretary Bautista na lahat ng apektadong pasahero na nakansela o na-delay ang flights ay maayos ang kalagayan at maibibigay ang anumang tulong na kanilang kailangan.

Tinungo din ni Secretary Bautista ang CAAP kung saan kaniyang inalam ang sanhi ng nangyaring aberya sa Air Traffic Control System na nag-resulta sa pagkakabalam ng mga biyahe sa Ninoy Aquino International Airport.