Maraming kilalang artista at personalidad ang tumakbo sa midterm elections ngayong 2025 ngunit hindi pinalad na manalo, kabilang ang mga pambansa at lokal na kandidato.
Kabilang na rito sina Luis Manzano, Marco Gumabao at Ejay Falcon na una nang naglunsad ng malalaking kampanya ngunit natalo sa kanilang mga lungsod.
Si Manzano ay natalo sa pagka-Bise Gobernador ng Batangas kay Gov. Dodo Mandanas.
Sa Camarines Sur 4th district, si Gumabao ay hindi nagwagi laban kay Arnie Fuentebella na may lamang na higit 20,000 boto.
Habang si Falcon ay tinanggap ang kaniyang pagkatalo sa Mindoro Oriental bilang kinatawan ng ikalawang distrito.
Ang iba pang artistang nabigo sa halalan ay sina Raymond Bagatsing sa pagka-alkalde ng Maynila, Angelika Dela Cruz sa pagka-Bise Alkalde ng Malabon, at Anjo Yllana sa pagka-Bise Alkalde ng Calamba, Laguna.
Maging sina Marjorie Barretto, Dennis Padilla, Ara Mina, Shamcey Supsup, Enzo Pineda, Ali Forbes, David Chua, Mocha Uson, Aljur Abrenica, at Neil Coleta ay hindi rin nagtagumpay sa kanilang pagtakbo bilang konsehal sa kani-kanilang lungsod.
Sa Senado, sina Sen. Bong Revilla, Phillip Salvador, Willie Revillame, Pinoy ring icon Manny Pacquiao, at Atty. Jimmy Bondoc ay hindi kabilang sa “Magic 12” batay sa partial at unofficial results na inilabas ng komisyon.