-- Advertisements --

Hindi baba sa apat katao ang kumpirmadong nasawi habang tatlo ang sugatan sa magkahiwalay na sunog na sumiklab sa Navotas City at Quezon City kahapon.

Sa Navotas, tatlong mag-iina ang nasawi matapos ma-trap sa kanilang bahay sa L. Santos St., Manalaysay, Barangay Tangos South. Kabilang sa mga biktima ang isang buntis, isang 14-anyos na dalagita, at isang 9 na taong gulang na batang babae.

Tatlong residente naman ang isinugod sa ospital matapos magtamo ng paso sa katawan nang tangkain pa nilang bumalik sa nasusunog na bahay upang sagipin ang kanilang mga gamit.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), naging mahirap ang pagresponde ng mga bumbero dahil sa masikip na kalsada sa lugar. Umabot sa ikalawang alarma ang sunog bandang alas-3:59 ng umaga at idineklarang fire under control bandang alas-5:00 ng umaga.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga otoridad ang posibilidad na nagmula sa jumper o ilegal na koneksyon ng kuryente ang sunog, na posibleng kumalat mula sa duktong-duktong na mga kawad ng kuryente.

Tinatayang 20 pamilya ang naapektuhan ng insidente at pansamantalang nanunuluyan ngayon sa Barangay Tangos-South Covered Court. Nagpadala naman ng tulong ang lokal na pamahalaan.

Samantala, isa ring 15-anyos ang nasawi sa hiwalay na sunog sa East Riverside, Barangay Paltok, Quezon City.

Ayon sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection–Masambong Fire Station, nagsimula ang sunog bandang alas-9:40 ng umaga at mabilis na kumalat ang apoy. Hindi na nakalabas ang biktima sa tindi ng sunog.