-- Advertisements --

Nakatanggap ang Department of Education (DepEd) Election Command Center ng kabuuang 160 ulat mula sa iba’t ibang field offices hanggang kaninang 1:30 ng hapon ngayong araw ng halalan, 2025.

Karamihan sa mga ulat ay may kaugnayan sa mga problema sa Automated Counting Machine (ACM), nawawalang pangalan sa listahan ng mga botante, at mga isyung pangkalusugan ng mga guro at personnel ng DepEd na nagsisilbing election workers.

Ayon sa DepEd, agad tinutugunan ang mga insidente sa tulong ng COMELEC, Philippine National Police (PNP), at iba pang ahensyang katuwang upang matiyak ang maayos, ligtas, at tapat na halalan.

Bilang tugon sa direktiba ni Education Secretary Sonny Angara, patuloy ang koordinasyon ng DepEd Task Force, sa pangunguna ni Usec. Malcolm Garma, kasama ang mga Regional at Division Election Task Force teams upang tiyakin ang mabilis na aksyon sa anumang insidente na makaaapekto sa kapakanan ng mga guro.