-- Advertisements --

Idineklara ng Portugal ang national day of mourning matapos masawi ang nasa 15 katao makaraang madiskaril ang funicular cable railway at tumama sa isang gusali sa Lisbon.

Kabilang sa mga nasawi ay mga dayuhan habang nasa 18 iba pa ang nasugatan sa insidente kung saan lima ang nasa seryosong kalagayan habang may isang bata ang nagtamo ng minor wounds.

Nagkasa na ng imbestigasyon ang public prosecutor’s office kaugnay sa insidente. Sa ngayon, inaalam pa kung ilan ang kabuuang sakay ng Gloria funicular gayundin ang pagkakakilanlan at nasyonaldad ng mga nasawi.

Base sa reports ng local media, ikwinento ng mga nakasaksi sa pangyayari na kumalas ang kable sa dinadaanan ng tanyag na streetcar at walang preno dahilan kayat nawalan ito ng kontrol saka bumangga sa isang gusali malapit sa Avenida da Liberdade.

Ang naturang cable railway ay 140 year old na nakakonekta sa downtown ng Lisbon sa upper quarter, na dinarayo ng mga turista.