Reading Time: 2 minutes

Ikinokonsidera ng kampo ni boxing legend Manny Pacquiao sina Danny Garcia, Mikey Garcia, at Shawn Porter bilang susunod na makakatunggali ng fighting senator sa pagbabalik nito sa ring sa 2020.

Ayon kay Manny Pacquiao (MP) Promotions president Sean Gibbons, interesado raw sa kanilang tatlo ang 40-year-old Pinoy ring icon na nagwagi sa pamamagitan ng split decision kontra kay Keith Thurman nitong nakalipas na buwan.

“Danny Garcia, Mikey Garcia, there’s other guys out there to fight. Shawn Porter,” wika ni Gibbons.

Bago harapin si Thurman, nasa radar din noon ni Pacquiao si Danny Garcia, na dating may hawak ng World Boxing Council (WBC) 147-lbs. title belt, kasunod ng naging sagupaan nila ni Adrian Granados noong Abril.

Si Porter naman ay dating sparring partner ni Pacquiao at kasalukuyang WBC champion na nakatakdang harapin si IBF titlist Errol Spence sa darating na Setyembre sa Staples Center sa Los Angeles, California.

“Let’s say if Shawn Porter somehow came out winning, he can get into the mix. I’m not against fighting Shawn Porter,” ani Gibbons.

Binigyang-diin din ni Gibbons na wala silang interes sa rematch ni Pacquiao kontra kay Thurman.

“He (Thurman) had his opportunity, he had his shot,” anang matchmaker. “If there’s a real demand for it like the (Juan Manuel) Marquez, the (Marco Antonio) Barrera, the (Eric) Morales, those type of fights, if the public have a huge demand to do it again, if there’s an outcry for it. But he (Pacquiao) beat him clean.”

Giit pa ni Gibbons, wala raw masyadong kontrobersyang nilikha ang naturang laban maliban sa split decision ng mga hukom.

Inamin din ni Gibbons na pangunahing puntirya pa rin ng Team Pacquiao ang makuha si Floyd Mayweather Jr.

Pero sa ngayon, hangga’t walang opisyal na pahayag mula sa kampo ni Mayweather, hanggang salita lamang daw muna ang posibleng rematch nila ni Pacquiao.

“End of the story on the Floyd thing right now. There is no fight, there is no possibility at this moment. Floyd has said numerous time that I’m retired, I’m enjoying my retirement,” sambit ni Gibson.

“We’ll let things unfold and see what happens.”