-- Advertisements --

Inisyuhan na ng Pasig City Regional Trial Court Branch 265 ng arrest warrant si Porac, Pampanga Mayor Jaime Capil dahil sa graft charges may kaugnayan sa iligal na operasyon ng ipinasarang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa kaniyang munisipalidad.

Ang naturang arrest warrant ay inilabas noong Nobiyembre 28 para sa pitong bilang ng paglabag sa Anti-graft and Corrupt Practices Act. Itinakda ang piyansa sa P90,000.

Nag-ugat ang kaso sa alkalde mula sa reklamong inihain noong Oktubre 2024 ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Philippine National Police dahil sa umano’y pagkakasangkot ni Capil sa POGO hub na Lucky South 99, na nadiskubreng sangkot sa human trafficking at iba pang mga iligal na aktibidad.

Matatandaan, nauna ng dinismiss ng Office of the Ombudsman ang alkalde noong Abril 3 para sa gross negligence dahil sa umano’y kabiguang pigilan ang mga operasyon ng naturang POGO sa kaniyang nasasakupan.