Opisyal nang tinanggap ni Pope Leo XIV ang ”Ring of the Fisherman” o Piscatory Ring, na sumisimbolo sa awtoridad ng Santo Papa bilang kahalili ni San Pedro.
Ang naturang seremonya ang ginawa kasunod ng Mass of Inauguration nitong Linggo, Mayo 18, sa St. Peter’s Square.
Ang singsing ay ipinagkaloob sa kanya ni Cardinal Luis Antonio Tagle, Pro-Prefect ng Dicastery for Evangelization.
Ang pagtanggap ng singsing ay isa sa mga pangunahing bahagi ng pagsisimula ng isang bagong Santo Papa, at itinuturing na makasaysayan na tanda ng kanyang pananagutan sa pamumuno ng Simbahang Katolika.
Ang singsing ay naglalarawan kay San Pedro, at sumasalamin sa kanyang tungkulin bilang unang Papa, batay sa Bagong Tipan na Mateo 16:19, ibinigay kay Pedro ang mga susi ng Kaharian ng Langit, at sa Lucas 22:32, iniatas sa kanya ni Hesus na palakasin ang pananampalataya ng kanyang mga kapatid.
Ang Piscatory Ring, na nagsimula pa noong ika-13 siglo, ay simbolo ng awtoridad at pananagutan ng Santo Papa bilang kahalili ni San Pedro, ang Apostol na Mangingisda.
Dati itong ginagamit bilang signet ring sa pag-seal ng mga opisyal na dokumento hanggang 1842, ngunit ngayon ay ginagamit na lamang sa seremonyal na paraan.
Bawat Santo Papa ay may sariling natatanging singsing. Kapag namatay ang Papa, ang singsing ay sinisira upang hindi na ito magamit muli.
Ang singsing ni Pope Leo XIV ay nagpapakita kay San Pedro na may mga susi at lambat, bilang sagisag ng pagpapatuloy ng misyong iniwan ni Kristo kay Pedro.
Sa pagtanggap ng singsing, opisyal nang isinusuot ni Pope Leo XIV ang pananagutang espiritual bilang ika-266 na Kahalili ni San Pedro.