Muling nanawagan ng kapayapaan para sa Ukraine si Pope Francis sa kanyang Urbi et Orbi address para sa Linggo ng Pagkabuhay ni Hesukristo na ginanap sa St. Peter’s Square sa Vatican City.
Tinawag ng santo papa bilang Easter of War ang paggunita ngayong taon sa muling pagkabuhay ni Hesus at dito niya ipinahayag ang kanyang kahilingan na magkaroon ng kapayapaan para sa nasabing bansa na lubha aniyang sinubok ng karahasan at kalupitan nang dahil sa isang walang kabuluhang digmaan.
Inihalintulad din ni Pope Francis ang nagaganap na kaguluhan ngayon sa pagitan Russia at Ukraine sa kwento ni Cain na itinuring na karibal ang kanyang kapatid na si Abel kung saan ay napag-isipan pa niya itong paslangin.
Bukod dito ay nanawagan din naman ng kapayapaan para sa Middle East at free access para sa lahat ng sagradong lugar sa Jerusalem si Pope Francis.
Ito ay sa gitna naman nang tumitindi rin na tensyon sa pagitan ng Israelis at Palestinians sa Holy City matapos ang naging pag-atake umano ng mga Palestinians malapit sa Israeli coastal city ng Tel Aviv.
Kasunod ito ng tatlong major festivals ng Abrahamic faith kabilang na ang Jewish Passover, Christian Easter, at ang pag-aayuno para sa panahon ng Ramadan.
Samantala, umaasa naman si Pope Francis na makakarating sa mga pinuno ng bansa ang panawagan na ito n taumbayan para sa kapayapaan.