Hinimok ni Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña ang mga kapwa nito mambabatas na huwag tawaging pastor ang nakakulong na televangelist na si Apollo Quiboloy dahil insulto umano ito sa mmga tunay na pastor na naglilingkod ng may integridad.
Sa pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay ng panukala na amyendahan ang extradition law, hiniling ni Cendaña sa kanyang mga kasamahan na tawagin lamang si Quiboloy bilang “Mister” at hindi pastor.
Giit ni Cendana na insulto sa mga totoong pastor na tawaging pastor si Quiboloy. Hindi matatawag na totoong pastor ang sinumang nananakit ng kanyang mga miyembro at nangmomolestiya ng mga bata.
Sinimulan ng House Committee on Justice ang motu proprio investigation sa extradition law ng bansa kasunod ng liham ni Cendaña noong Agosto 23, na humihiling ng pagsusuri dahil sa mga nakabinbing kaso ni Quiboloy sa Pilipinas at U.S.
Ayon kay Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, layon ng pagdinig na “evaluate, study and revisit” ang Presidential Decree 1069 o ang Philippine Extradition Law ng 1977, pati na rin ang extradition treaty sa pagitan ng Pilipinas at U.S. na pinagtibay noong 1994.
Ginaganap ang mga pagdinig habang nakapiit sa Pasig City Jail si Quiboloy. Haharapin niya ang mga kasong child sex trafficking sa Pilipinas at ang nakabinbing extradition request mula sa U.S.
Si Quiboloy at ang kanyang mga kasamahan sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ay sinampahan ng kaso sa California dahil sa sex trafficking, fraud and bulk cash smuggling.
Sa kanyang pahayag sa unang pagdinig tungkol sa extradition law, pinasalamatan ni Cendaña ang justice panel sa pagtugon sa kanyang kahilingan at binigyang-diin ang seryosong akusasyon laban kay Quiboloy
Binigyang-diin niya na nararapat lamang para sa komite na siyasatin ang estado ng U.S. extradition request para kay Quiboloy at tukuyin kung anong aksyon ang gagawin ng mga ahensya ng Pilipinas alinsunod sa batas at kasunduan.
Dagdag pa ni Cendaña, ang kaso ay hindi lamang tungkol sa pagtupad sa international obligation kundi pati na rin sa pagpapatibay ng pananagutan.