-- Advertisements --

Lalo pang naging masalimoot ang imbestigasyon sa umano’y flood control kickback scheme ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon kay dating DPWH Engineer Brice Hernandez, may mga senador din umanong sangkot sa anomalya, bagamat wala pa siyang binabanggit na pangalan.

Ang pahayag ni Hernandez ay kabaliktaran sa naging testimonya ni Curlee Discaya sa Senate Blue Ribbon Committee kahapon, Setyembre 8, 2025.

Nang tanungin kasi ni Senador Jinggoy Estrada kung may senador bang sangkot sa mga transaksyon, tahasang sagot ni Discaya: “Wala po”.

Matapos ang sagot ni Discaya, nagbiro si Committee Chairman Sen. Rodante Marcoleta kay Estrada ng, “Safe ka na,” na tila ikinainis ng senador.

Hiniling ni Estrada na alisin sa opisyal na record ang naturang biro bilang paggalang sa pormality ng pagdinig.

Dahil sa magkasalungat na pahayag nina Hernandez at Discaya, nananawagan ang ilang mambabatas ng mas malawak na imbestigasyon upang matukoy kung may mga opisyal sa Senado na sangkot sa umano’y korapsyon sa DPWH.