ILOILO CITY – Isinailalim sa lockdown ang Igbaras Municipal Police Station sa Igbaras, Iloilo matapos nagpositibo sa COVID-19 ang isang pulis.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Iloilo Police Provincial Office Director PCol. Paul Kenneth Lucas, sinabi nito na isang 25 anyos na patrolman ang nagpositibo sa COVID-19, asymptomatic at nakauwi pa umano sa Passi City noong Agosto 3.
Ayon kay Lucas, Agosto 7 nang kinunan ng swab sample para sa COVID-19 test ang lahat ng police personnel sa nasabing police station at lumabas na isa ang positibo kung saan, nagpapatuloy ang isinasagawang contact tracing.
Kasunod nito, nagpadala ang Iloilo Police Provincial Office ng augmentation force para sa pagsasagawa ng checkpoints at pagpatrolya sa bayan ng Igbaras at wala pang fixed schedule kung hanggang kailan ang lockdown dahil nakatakdang isailalim ulit sa COVID-19 test ang mga police personnel.