ILOILO CITY – Naipadala na sa Crime Laboratory sa PNP National Headquarters ang bala mula sa service firearm ng pulis na ginamit sa pagbaril-patay sa Chinese businessman na si Willy Sy sa Iznart Street, Iloilo City Proper.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay PLt. Col. Hilarion Roga, pinuno ng Scene of the Crime Operations sa Police Regional Office 6, sinabi nito na posibleng sa susunod na buwan pa malalaman kung nagtugma ang bala mula sa baril ni PCpl. Val Allan Lisay, miyembro ng Mandirigmang Mang-aawit.

Ayon kay Roga, sa ngayon ay nasa restrictive custody si Lisay habang hinihintay ang resulta ng cross-matching at ballistic examination sa recovered empty fired cartridge na nasa crime laboratory.

Kapag mapatunayan na nagkasala, kasong kriminal at administratibo ang kakaharapin ni Lisay.

Tiniyak naman ng pamunuan ng PNP na walang white wash at biases sa imbestigasyon.