CPNP
-- Advertisements --

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na legitimate ang ikinasang regionwide police operations sa Calabarzon (Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon).

Sa nasabing operasyon, siyam na indibidwal ang nasawi habang anim ang arestado at siyam ang nakatakas o at large na ngayon ay pinaghahanap na.

Ayon kay PNP Chief Gen. Debold Sinas, walang iregularidad dahil sakop ito ng mga search warrants na inilabas ng korte.

Pinaghirapan din aniya nila ang pagkuha nito mula sa Judge dahil sa reklamong illegal possession of firearms.

Katunayan mula sa halos 50 search warrants na in-apply ng PNP, nasa mahigit 28 lamang ang naaprubahan ng korte.

-- Advertisement --

Hindi naman direktang sinagot ni Sinas kung nagpalakas ba ng kanilang loob ang “go signal” ni Pangulong Rodrigo Duterte na tapusin ang mga komunistang rebelde.

Una nang sinabi ng PNP-Calabarzon na nagsagawa sila ng malawakang pagsilbi ng search warrants kasama ang PNP regional office, Criminal Investigation and Detection Group, Philippine Army at Special Action Force, laban sa mga terorista sa Cavite, Laguna, Batangas at Rizal.

Anim sa mga namatay ay mula sa Rizal, dalawa sa Batangas at isa sa Cavite.

Anim din ang arestado kung saan tatlo sa Laguna at tatlo sa Rizal, habang siyam ang at large o nakatakas sa operasyon- isa sa Batangas at walo sa Rizal.

Nakarekober din ang mga otoridad ng pampasabog, at ilang baril mula sa nasawi.