-- Advertisements --
PNP Chief Albayalde
General Albayalde

Patung-patong na kaso ang posibleng kaharapin ng sinibak na hepe ng Eastern Police District (EPD) na si P/BGen. Christopher Tambungan.

Ito’y sa sandaling mapatunayang guilty ang heneral sa ginawa nitong physical and verbal abuse sa biktimang pulis na babae.

Bukod sa kasong administratibo, sasampahan din umano ng kasong kriminal si Tambungan.

Ayon naman kay PNP chief P/Gen. Oscar Albayalde, ang pagkakaalis sa puwesto bilang hepe ng EPD ni Tambungan ay “administrative relief” o pansamantala lang para bigyang daan ang isang impartial investigation.

Inamin din ni Albayalde na hindi ito ang unang reklamo laban kay Tambungan ng pang-aabuso sa kanyang mga tauhan.

Mayroon pa aniyang dalawang naunang reklamo sa Ombudsman na kinakaharap ang opisyal dahil sa pagmamaltrato sa dalawang bagong-graduate na pulis.

Nakahanda ang PNP na magbigay ng legal assistance kay Police Corporal April Santiago para sa pagsampa ng kasong paglabag sa Republic Act 9262.

Giit ni Albayalde, gender sensitive ang PNP at kailanman hindi sinasaktan ng mga pulis ang mga babae.

Mayroon din aniyang tamang paraan para parusahan ang nagkamaling pulis at isa na rito ang pagsasampa ng kaso kung hindi nakasunod sa order ng nakakataas.