Pinabulaan ng Department of Justice ang ‘persekusyon’ o panggigipit umano kay former presidential spokesperson Atty. Harry Roque matapos ilabas ang arrest warrant laban sa kanya.
Kung saan, binigyang diin ng naturang kagawaran na ‘prosecution’ at hindi ‘persecution’ ang kanilang pagtrato sa kaso ng dating tagapagsalita ni Former President Rodrigo Duterte.
Naniniwala kasi ang Department of Justice na walang basehan ang patutsadang ito ni Atty. Harry Roque dahil sa pinag-aralan namang mabuti ang paglalabas ng warrent of arrest.
Ayon mismo sa tagapagsalita ng kagawaran na si Justice Assistant Secretary Mico Clavano, mayroong sapat na ebidensiya ang iprinisinta sa panel of prosecutors na siyang pinagbasehan para mauwi sa pagsasampa sa korte ang kasong kinakaharap ng naturang abogado.
“Ang panel of prosecutors ay talagang nag-analyze sa ebidensya na isinumite ng ating mga law enforcements. Nakita naman po nila na umabot po sa ating threshold of evidence para mag-file ng case,” ani ASec. Mico Clavano ng Department of Justice (DOJ).
Kaya naman ganito na lamang ang naging pagtataka ni Justice Spokesperson Mico Clavano dahil sa aniya’y lehitimo naman at may konkretong ebidensya ang kinasasangkutang kaso ni Atty. Harry Roque.
Giit pa niya’y hindi niya makita ang anumang anggulo ng panggigipit o persecution sa naturang kaso na siya namang pinaniniwalaan ng kabilang panig.
“Hindi ko talaga uhm makita yung persecution dito kasi may talagang legitimate case,” dagdag pa ni Spokesperson Mico Clavano, Assistant Secretary ng DOJ.
Samantala sa panig naman ni Atty. Harry Roque, mariin pa rin niyang iginigiit na ang kasong kanyang kinakaharap ay maituturing pa rin na panggigipit laban sa kanya.
Suspetya kasi niya na ito’y dahil sa kanyang paninindigan o posisyon sa usaping pampolitikal.
Ngunit sa kabila nito, inihayag naman ng Department of Justice na sila’y magsusumite ng sulat sa gobyerno ng bansang The Netherlands upang ipaliwanag o ibahagi ang kasong kinakaharap ni Atty. Harry Roque kung saan siya’y nananatili magpasahanggang ngayon.
Inaasahan nilang tuluyan ng maibabalik dito sa bansa ang naturang abogado upang dito harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya.