-- Advertisements --

ILOILO CITY – Nagdadalamhati ang Police Regional Office (PRO)-6 dahil sa pagkamatay ng kanilang mga senior officers.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay PCol. Joem Malong, tagapagsalita ng PRO-6, sinabi nito na ikinalulungkot nila ang pagpanaw ng dating acting Chief Regional Staff na si PCol. Marlon Tayaba dahil sa sakit na colon cancer.

Ayon kay Malong, malaki ang naiambag ni Tayaba sa nakamit na tagumpay ng pulisya sa Western Visayas.

Ani Malong, isa sa mga hindi makakalimutang nagawa ni Tayaba sa kanyang serbisyo ay ang ma-neutralize ang isa sa pinakamalaking drug group sa Iloilo na pinamumuan ng namatay na drug lord na si Richard Prevendido.

Si Tayaba ay nagsilbi ring pinuno ng Iloilo Police Provincial Office, bago napromote sa kanyang posisyon bilang acting Chief Regional Staff.

Napag-alaman na ngayong taon, ito na ang pangalawang beses na nalagasan ng mga opisyal ang PRO-6.

Una ay si PCpt. Efren Espanto Jr., pinuno ng reconnaissance company ng Regional Mobile Force Battalion na namatay sa engkuwentro sa pagitan ng mga rebelde sa Zone 7, Brgy. Aglobong, Janiuay, Iloilo.