ILOILO CITY – Muling kakausapin ni Police Regional Office-6 director Brig. Gen. Rene Pamuspusan ang kontrobersyal na si Lt. Col. Jovie Espenido dahil sa pagsagawa nito ng press conference kahit na mayroon itong gag order ayon na rin sa utos ni Philippine National Police chief General Archie Francisco Gamboa.
Si Espenido ay kasama sa 357 na mga pulis na napasama nasa narco list ng Department of Interior and Local Government.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Pamuspusan, sinabi nito na dapat maging “welcome development” ang adjudication process na binibigay sa mga pulis na kasama sa narco list lalo na kay Espenido.
Ayon sa heneral, ang adjudication process ang nagbibigay ng pagkakataon sa mga umano’y police scalawag na linisin ang kanilang pangalan.
Ngunit nilinaw ng opisyal na kailangang hindi muna magbigay ng pahayag sa media ang pulis na pinatawan ng gag order habang hindi pa natatapos ang imbestigasyon ng national adjudication board.
Una nang nilinis ng heneral sa panayam sa kanya sa Camp Crame si Espenido sa isyu nang pagkakadawit sa illegal drugs.