(c) S/Supt. Bernard Banac

Tinutugis na ngayon ng PNP si Peter Joemel Advincila na nagpakilalang si alyas “Bikoy” na nasa likod ng serye ng “Ang Totoong Narcolist” videos.

Ayon kay PNP Spokesperson, PCol. Bernard Banac, agad ipinasa sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang kopya ng warrant of arrest na inisyu ng korte laban kay Advincula.

Nabatid na sa warrant of arrest nakasaad na gumamit pa umano si Advincula ng ibang pangalan gaya ng “RR Santos” para makaiwas sa mga pulis.

Tiniyak naman ni Banac na sisikapin nilang mahuli si Advincula nang sa gayon ay mapanagot ito sa batas.

Kinumpirma naman ni PCol. Lyndon Mencio, provincial director ng Benguet, mayroon pang hiwalay na warrant of arrest si Advincula kaugnay pa rin sa kasong estafa.

Inilabas ang warrant of arrest noong September 26, 2007 na pirmado ni Judge Delilah Gonzales-Munoz na bailable ng P6,000.

Nabatid na naging pahirapan ang paghanap ng warrant of arrest kay Advincula dahil sa dami umano ng mga papel sa korte.

Nilinaw naman ni Banac na dalawa ang standing warrant of arrest kay Advincula.

Patuloy din ang manhunt operation ng CIDG para sa ikahuhuli ng suspek.